The grandmother of Julia felt nervous while watching Coco and Julia shoot their kissing scene for their movie.

Bukod sa bago niyang teleserye na Juan Dela Cruz, na nag-pilot noong February 4, may bago rin siyang pelikula na Valentine offering ng Star Cinema—ang A Moment In Time kunsaan katambal niya muli si Julia Montes. Huli silang napanood sa primetime teleserye na Walang Hanggan.

Magpapakilig naman si Coco ngayon sa pelikula, malayo sa mga seryosong tema na kadalasang ginagawa niya sa mga indie films niya.

Ano nga ba ang role niya sa A Moment In Time?

“Ang role ko po rito ay si Patrick. Isa akong painter at the same time, rumaraket din ako. Nagwe-waiter rin ako. Actually, waiter rin ako rito sa Max’s. Ang laking tulong nga, sinuportahan din kami ng Max’s dahil ang role ko, waiter.

“Sabi ko, bakit hindi natin lapitan ang Max’s baka saka-sakaling magamit natin ang restaurant nila, yung produkto nila at makatulong sa kanila.”

Dugtong pa niya, “One day, sumakay ako sa MRT, ‘di ba minsan, may tao ka talagang makakabangga. Nakita ko rito si Jillian, yung role ni Julia. Yun, na-love-at-first-sight ako. Hindi na ako napagkatulog.

“Ang ginawa ko, everyday, hinahanap ko siya. At dahil hindi ko siya mahanap, ang ginawa ko, ipininta ko siya sa iba’t-ibang lugar tulad ng pader para malaman ko kung sino siya at makilala ko.

“Then, one day, nadaanan niya yung mga pinaint ko. Sakto naman, nagkita kami, hindi ko na siya tinigilan doon. Yun na tumakbo ang mga eksena naming dalawa.”

Isang bagay nga raw na dahilan para panoorin ng mga tao ang pelikula ang mapapanood na ilang bansa na pinuntahan nila. Ilan dito ang Paris, France at Amsterdam.

“Ang istorya po kasi namin, mula sa Pilipinas tumakbo po siya hanggang papuntang Amsterdam at Paris po kakahabol. Ded na ded talaga ko kay Julia,” natatawa niyang sabi.

May mga hindi rin daw makakalimutan na karanasan si Coco habang sinu-shoot nila ang pelikula lalo na at sa ibang bansa pa ito.

Aniya, “Ako, sabi ko, itong pelikulang ito, tinaya ko na rito pati kaluluwa ko, e.

“Maraming bagay na kumbaga, sa pagkatao ko, sa pagkakakilala ko sa sarili ko, hindi ko kayang gawin. Kasi nga, kahit naman ngayon na ito ang trabaho ko, nag-a-artista ako, malakas ang loob ko.

“Kailangan halos lahat puwede mong gawin at kaya mong gawin. Sabi ko nga, yung pagsayaw-sayaw at pagkanta-kanta ko lang dito, sobrang labag sa loob ko ‘yan dahil hindi ko talaga kayang gawin lalo na sa harapan ng maraming tao.

“Pero noong sinabi nila na kailangan itong eksenang ito, kailangan nilang gawin, pikit-mata. Pikit-mata ginawa ko ang eksena. Kaya sabi ko nga, Direk [Manny Palo], sinangla ko na ang kaluluwa ko rito. Wala na akong maipapakita after this movie.”

Walang-duda na malaking bagay talaga kay Coco ang ginawang pagkanta at pagsayaw sa pelikula dahil kahit walang tigil ang kantiyaw sa kanya na magbigay ng “sampol” noong presscon, hindi talaga ito napilit.

At dahil sa ibang bansa nga ang ilang lokasyon nila sa pelikula, naalala raw ni Coco kapag nagsu-shooting siya ng indie films.

“Masarap kapag nagsu-shooting ka sa ibang bansa. Siyempre, konting staff lang ang kasama. Tapos kami nina Julia, para na rin kaming staff. Nagbubuhat kami ng mga props, nagbibihis kami sa kalye.

“Actually, sabi ko nga, ganoon kami ka-game. Nagsu-shoot kami sa kalye.

“Sabi ko nga sa kanya, alam mo ba Jules, ganito kami sa indie. Wala kaming definite na tent, standby area. Basta magkaroon lang kami ng pagkakataon na mai-cover ang sarili namin, doon na kami nagbibihis.

“Kumakain kami sa bangketa.

“Walang kaarte-arte lahat ng mga kasama naming artista at mga staff. Kumbaga, ang sarap sa pakiramdam na nagta-trabaho kayo bilang team. Ramdam na ramdam niyo ang trabaho niya at nagkaroon kami ng intimate bonding na mga cast, staff.”

May mga intimate moments din daw sila sa pelikula na sa kuwento pa rin ni Coco, ang lola na raw ni Julia ang tila nagpa-panic.

Sabi nga niya, “May kissing scene kasi kami. Ang tendency, siyempre, si Lola, hindi pa siya sanay na nakikitang ganoon si Julia. Siyempre, first time naman na ginawa ni Julia yung ganoong bagay.

“Siyempre si Lola, tutok na tutok.

“E, natatawa ako, si Direk [Manny Palo] at saka si Kuya Rondel [Lindayag], yung creative po namin, siko ng siko si Lola kasi siya ang natatakot para kay Julia. E, ako naman, artista lang ako. Kung ano ang sinabi ng director, yun lang po ang ginagawa ko.”

Hirit pa ni Coco nang natatawa, “Ewan ko kung nagustuhan niya rin.

Tampok rin sa A Moment In Time sina Cherie Gil, Gabby Concepcion, Zsa Zsa Padilla, Ella Cruz, at ang kambal mula sa Pinoy Big Brother Teen Edition 4 na sina Joj at Jai Agpangan.