Rufa Mae Quinto legal counsel, naglabas ng statement sa kaso ng comedienne.

rufa mae quinto legal counsel
Atty. Mary Louise Reyes (left), legal counsel of comedienne Rufa Mae Quinto (right), issues statement about her client’s voluntary surrender after being charged with 14 counts for violating Section 8 of Securities Regulation Code.

PHOTO/S: Screen grab from GMA Integrated News X

Dumating si Rufa Mae Quinto sa Pilipinas nitong Miyerkules ng madaling-araw, Enero 8, 2025, 5 A.M.

Nanggaling ang comedienne mula sa San Francisco, California.

Boluntaryo siyang sumuko sa National Bureau of Investigation para sa kasong isinampa laban sa kanya — fourteen counts ng diumano’y paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code ng derma clinic na iniendorso niya.

RUFA MAE’S LEGAL COUNSEL STATEMENT

Kaugnay nto, naglabas ng pahayag ang legal counsel ni Rufa Mae na Atty. Mary Louise Reyes.

Saad ni Reyes: “Bumalik na po si Ms. Rufa Mae Quinto sa Pilipinas. Dumating sya kaninang umaga.

“Nakipag-ugnayan po kami sa NBI para ma-assist ang pag-voluntary surrender at pagpiyansa ni Ms. Quinto.

“Siya po ay nananatiling tapat sa legal na proseso.

“Nananawagan at nakikiusap po kami sa publiko at sa mga media, let’s avoid rushing to judgment based on inaccurate and incomplete information.

“Sana maintindihan po ng lahat ang kahalagahan ng pag-withold muna namin ng ibang impormasyon hanggang maging maayos na po ang lahat.

“Kami po ay naninindigan sa katotohanan. Maraming salamat po.”

PHP1.7M BAIL FOR RUFA MAE’S TEMPORARY FREEDOM

Kinumpirma ni Boy Abunda sa live telecast ng Fast Talk with Boy Abunda ngayong hapon na PHP1.7 million ang piyansang babayaran ni Rufa Mae para sa pansamantala nitong kalayaan.

Saad ni Boy: “Personal ho kaming nagkausap ni Rufa Mae, pati na rin ng kanyang abogado.

“At sabi niya, magbabayad sila ng PHP1.7 million, at nakatakda rin siyang lumabas agad ngayong araw.

“Ito rin ang parehong kaso ni Neri Naig, pero ang kaibahan lamang ay hindi sinampahan ng syndicated estafa si Rufa Mae.

“Una nang sinabi ni Rufa Mae na wala siyang kinalaman sa alleged investment scam ng Dermacare at endorser lamang siya ng kompanya.

“I don’t know if I have to say this, pero nabayaran po ng downpayment si Rufa Mae. Pero sa pagkakaalam ko, dalawang tseke nga ho bilang endorser ang tumalbog.

“It’s just confusing issue to me pero kami ay umaasa na ito ay mabigyang lunas, linaw.

“We’ve been trying to get in touch with other parties involved, pero pagdating po kay Rufa Mae at Atty. Mary Louise, ibabalita po namin sa inyo ang aming makakalap na impormasyon.”

Matagal naging manager ni Rufa Mae ni Boy, na hanggang ngayon ay hindi nawawalan ng komunikasyon sa dating talent niya.