Klaudia Koronel nanawagan ng dasal sa gitna ng Los Angeles fires.

klaudia koronel palisades fire
Former actress Klaudia Koronel, who is now a certified nurse aide in the U.S., narrates harrowing experience while evacuating her 75-year-old patient from the Pasadena fire in Los Angeles, California.

PHOTO/S: File / X (Twitter)

Dasal ang hinihingi ng dating aktres na si Klaudia Koronel para sa kaligtasan ng mga residente ng Los Angeles County, sa Southern California.

Ito ay sa gitna ng mabilis na pagkalat ng sunog na hatid ng Palisades Fire na pinatindi ng malakas na hangin.

Takot na takot si Klaudia nang makausap siya ng Cabinet Files, sa pamamagitan ng video call, ngayong Miyerkules ng hapon, Enero 8, 2025 (Martes ng gabi, Enero 7, sa Pasadena, California).

Isang certified nurse aide si Klaudia sa California.

Solo niyang inilikas ang kanyang pasyente mula sa tahanan nito.

Seventy-five years old na ang pasyente niyang may dementia kaya hindi nito alintana ang panganib na nakaamba sa kanila.

Lahad ni Klaudia: “Talagang nagpa-panic ako kasi yung apoy, nasa likod na ng bahay ng pasyente ko.

“Ang sunog, nasa Palisades noong 8 A.M. Pero pagdating ko sa bahay ng pasyente ko sa Pasadena ng 6:30 P.M., nasa likod na ang apoy.

“Mas malaki ang sunog kesa sa nangyari noong nakaraan.

“Yung mga kotseng magaganda, iniwanan na ng mga may-ari nang mag-evacuate sila.

“Nagtakbuhan na lamang sila kaya hindi makapasok ang mga bumbero dahil sa mga sasakyan na nakaharang sa daan.”

KLAUDIA KORONEL EVACUATES PATIENT

Patuloy ng dating aktres, “Ang bilis talaga ng pagkalat ng apoy.

“Nag-panic ako, tinangay ko ang pasyente ko, pati yung pusa niya. Nataranta talaga ako.

“Tapos, pilit akong pinababalik sa bahay ng American nurse na naka-duty. Hindi ko siya sinunod.

“Nakipag-away talaga ako sa kanya. Sabi ko, ‘Bakit mo ako pababalikin, e, ikaw nga nag-evacuate, tapos pababalikin mo kami sa bahay? Sino ang magiging komportable na alam mo na yung apoy nasa likod-bahay?’

“Parang delubyo nga ang nangyayari dahil may sunog na nga, malakas pa ang hangin kaya mabilis kumalat ang apoy!

“Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa Los Angeles, parang nasusunog. Hanggang ngayon may apoy pa rin.”

Nag-check-in si Klaudia sa isang hotel sa Pasadena para mailayo sa panganib ang kanyang kasamang pasyente.

Hindi alam ni Klaudia kung tuluyan nang nilamon ng apoy ang tahanan ng kanyang pasyente, pero nagpapasalamat siya sa Diyos dahil nakalayo sila sa malaking sunog na nagaganap ngayon sa Los Angeles County.

Sa pamamagitan ng video call, ipinakita ni Klaudia sa Cabinet Files ang malakas na hangin sa labas ng hotel na tinutuluyan nila ng kanyang pasyente.

Napaubo pa siya habang kausap namin dahil amoy na amoy ang usok nang buksan niya ang bintana.

“Please pray for Los Angeles” ang panawagan na makikita ngayon sa social media dahil sa pananalasa ng Palisades Fire na sinabayan ng malakas na hangin kaya mabilis na kumalat ang apoy na sumira sa mga ari-arian.